Monday, September 17, 2012

QE3 Explained in Tagalog

Ang QE3 ay nangyari sa bansang Amerika ngunit aking ipapaliwanag sa Philippine setting para po maintindihan ng iba.

Ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang nagiimprenta ng ating mga salapi. Ngunit hindi lamang salapi na ating ibinabayad sa ating mga bilihin ang kayang gawin ng BSP. Kaya rin nilang magdagdag ng balance sa kanilang ‘account’ mula sa kawalan basta’t mayroon silang bibilhing mga bagay. Opo, out of nowhere, they will increase their balance as long as they will buy stuff.
Sa QE3, ang napiling bilhin ng BSP ay mga T-bonds sapagkat ito ang nakikita nilang susi upang umusbong ang ekonomiya ng Pilipinas. Napiling bilhin ng BSP ang T-bonds dahil karamihan sa mga malalaking investors ay mayroon nito. Ang T-bond ay isang instrumento o papel na nagsasaad na may utang sa iyo ang gobyerno na may kasamang interest. Gustong gusto ito ng mga malalaking investors kaya bumibili sila nito. Ngayon kapag binili ng BSP ang T-bonds mula sa mga malalaking investors, magkakaroon ngayon ng salapi ang mga malalaking investors. Ang salaping ito ay gagamitin ng mga malalaking investors sa pwede pa nilang pagkakitaan tulad ng stock market at ginto. Hindi birong halaga ang pinaguusapan dito dahil nasa trilyon ang halaga na pwedeng bilhin ng BSP sa mga T-bonds. At dahil sa laki ng halagang sangkot dito, kapag bumili ng stocks at ginto ang mga malalaking investors na ito, karaniwan nang tumataas ang stock market at halaga ng ginto.

Kapag tumaas ang stock market, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga kumpanya sa stock market na magexpand. Kapag nagexpand ang mga kumpanya tulad ng pagtatayo ng mga branches sa iba’t ibang probinsya, siyempre kakailanganin nila ng mga bagong trabahador. Bibili sila ng mga supplies, yung supplier naman pwede rin magdagdag ng trabahador dahil sa pagdami ng order. Yung mga bagong trabahador ay pwedeng bumili ng Levi’s na pantalon, ang Levi’s company naman ay tataas ang kita at ang gobyerno naman ay kikita ng mas malaking tax. Ang makokolektang tax ng ating gobyerno ang siyang ipambabayad niya sa BSP para sa mga T-bonds na kanyang inissue. In effect, gaganda ang ating ekonomiya at mababawasan ang mga walang trabaho dahil lang sa QE3.


Meron po ba kayong napansin? Yung T-bonds na sana ay babayaran ng gobyerno sa mga malalaking investors ay nasa BSP na at sa BSP na magbabayad ang gobyerno. Yung perang ibinayad sa mga malalaking investors ay nasa sirkulasyon na at ginagamit na ng karaniwang tao. Ibig sabihin nadagdagan ang supply ng pera na nasa kamay ng mga tao. Dahil mas marami na ngayon ang bumibili ng mga paninda dahil sa mga bagong trabahador, tumataas ang mga bilihin. Alam naman ninyo siguro yung Law of Supply and Demand. Kapag maraming demand, tumataas ang presyo at kapag konti ang demand, steady lang ang presyo o kaya minsan ay bumababa pa.

Ang QE3 ay isang kontrobersyal na monetary policy. Ito ay inihahalintulad sa pagimprenta ng pera sa ibang pamamaraan lamang. Sinubukan ito ng bansang Japan pero ayon sa kanila ito ay hindi nagtagumpay. Walang nagbago sa kanilang ekonomiya. Maraming kritiko itong QE3 at isa sa kanilang sinasabi ay hindi ito epektibo sapagkat nakita nila ang nangyari sa bansang Germany noong panahon ng World War 1 at World Ward II kung saan tumaas ang mga pangunahing bilihin at halos mawalan na ng value ang pera nila.Sa bansang Zimbabwe, alam niyo po ba na kakailanganin mo ng isang sako ng pera bago ka makabili ng itlog. Opo, wala nang halaga ang kanilang pera dahil sa sobrang pagimprenta ng salapi.

Ayon naman sa iilang analyst, kung hindi magkakaroon ng QE3 eh baka bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas at siyempre ang halaga ng piso. Ayon sa kanila, hindi maiaalis na maaaring bumaba ang halaga ng piso at tumaas ang pangunahing bilihin pero kinakailangang gawin ang QE3 para masagip ang ekonomiya ng Pilipinas.

No comments:

Post a Comment