Saturday, November 19, 2011

How the Stock Market Works?

Simple laman po ang stock market. Dalawang bagay lang yan. Una, yung stocks mo lumalaki ang value, pangalawa tumtanggap ka ng dibidendo mula sa kita ng kumpanya. Opo, ganyan lang po yan.Pinaganda lang ang mga words and definitions kaya parang ang hirap intindihan. Kung kaya mong magtayo ng isang karinderya, sa tingin ko kaya mo ring intindihin ang stock market.
Sige po, kunwari magtatayo ka ng karinderya o fastfood restaurant ngayong taon. Buwan buwan bumibili ka ng mga gamit sa iyong planong karinderya. Inihahanda mo na ang mga gamit para next year, kapag umuwi ka sa Pinas for good, handing handa ka na sa iyong negosyo. Kumbaga ang kulang na lang ay ang iyong presensya. Bumili ka ng singkwentang upuan sa buwan ng Enero. Ipinadala mo ang pera sa iyong mahal na ina na siyang mamamahala sa iyong mga plano at bilihin habang ikaw ay nasa ibang bansa pa. Sa buwan ng Pebrero, Nagpabili ka uli ng gamit sa iyong karinderya ng mga mesa. Sampung mesa ang iyong ipinabili dahil sa tantiya mo ay instant success naman ang iyong kakanaing negosyo. Sa buwan ng Marso, nagpabili ka ng dalawang stove sa iyong nanay. Medyo kinakabahan ka na sa iyong plano dahil nabalitaan mo na ang iyong pinabiling mga upuan at mesa noong Enero at Pebrero ay pinahiram ng iyong nanay sa inyong kapitbahay dahil sa ipinakasal na ang kanilang bunso.
Kinausap mo ngayon ang iyong nanay sa iyong nabalitaan dahil baka mauwi lang sa wala ang lahat ng pinaghirapan mo. Tumawag ka sa iyong nanay, “Nay, musta po. Hindi po ba inaagiw ang mga upuan sa bodega?” “Hindi naman anak, wag kang mag-alala malinis pa rin ang mga iyon, Siyanga pala pinahiram ko muna kay Mareng Belen yung beinteng upuan at limang mesa noong ikinasal ang kanilang bunso. Nakiusap siya sa akin. Pagkatapos noon, balik uli sa bodega. Hindi ko mapahindian baka mamaya ay magkalat pa ng tsismis at madiskaril pa ang iyong planong karinderya”, sagot ng iyong ina. “Salamat nay”, iyong nasambit na lamang. Naisip mo ngayon na tama pala si Inay. Kumbaga may puntos na rin yon sa magiging customer mo.
Sa buwan ng Abril, nagpabili ka ng mga kawali, kaldero, at iba pang mga lutuan at ipinalagay mo sa inyong bodega. Sumunod na buwan ay mga kutsara, tinidor at plato naman ang iyong pinabili. Sa buwan ng Hunyo, hindi ka muna nagpabili dahil kailangan mong magbayad sa tuition ng anak mo na nag-aaral sa private school. Siya muna ang inuna mo siyempre dahil may motto ka na “Family First”.
Sa mga sumunod na buwan kinumpleto mo ang mga gamit na iyong kakailangin sa karinderya business. Nagtabi ka rin ng maliit na salapi upang may magamit ka kung may dumating na emergency. Kinwenta mo ngayon ang lahat ng iyong ginastos sa karinderya business at iyong nakuha ang total na 200,000 pesos. Hayan, nagsisimula ka pa lamang at 200,000 pesos na ang iyong ginastos.
Heto na, pauwi ka na. Excited na excited ka dahil alam mong makikita mo na ang pamilya mo at siyempre para simulan ang binabalak mong negosyo. Pagdating sa NAIA airport iba na ang pakiramdam mo at lalo kang sumigla nang makita mo ang iyong asawa na kumakaway kasama si Junior, ang iyong anak. Halos maiyak ka dahil naisip mo matagal mo silang makakasama ngayon. Yakap dito, yakap doon, halik dito, halik doon. Halos ganoon ang eksena nang mapalingon ka sa iyong paligid.
Pagkatapos ng isang linggo, nag-aplay ka ng business permit sa inyong munisipyo para maumpisahan na ang iyong karinderya business. Dahil handing handa na ang iyong karinderya business bago ka pa man dumating sa tulong ny iyong mahal na ina, kinabukasan lang pagkatapos mong makuha ang business permit ay binuksan mo na ang iyong karinderya business.
Halos malula ka sa dami ng mga taong kumain sa iyong karinderya. Yung singkwentang  upuang pinabili mo noon ay kulang pala kaya hayun nagpabili ka uli ng singkwentang upuan at sampung mesa para maacommodate lahat ng tao. Tumawag ka ngayon sa boss mo sa Saudi upang ipaalam sa kanya na hindi ka na babalik pa at masaya ka na sa Pinas.  Sa loob ng isang taon, hindi nabawasan ang iyong mga customer kung kaya’t ikaw ay tuwang tuwa sapagkat lumalaki ang pera mo sa bangko. Bago magpasko ay kinwenta mo ang iyong kinita sa loob ng isang taon. Halos umabot ito ng kalahating milyon. Sabi mo sa iyong sarili, sa 500,000 pesos na kinita ko, yung 100,000 pesos ay kukunin ko para sa personal na pangangailangan mo. Itong 100,000 pesos na ito, ang tawa sa stock market ay Dividends. Opo, kung magkano ang idineklarang pera na pwedeng kunin mula sa kinita ng kumpanya ang tawag diyan ay Dividends. Tulad mo, kumita ng 500,000 pesos ang iyong karinderya at ang kinuha mo lamang na pera para sa iyo ay 100,000 pesos, dapat magmula ngayon ang tawag mo sa kinuha mong pera ay dividends dahil papalapit ka na sa mundo ng stock market. Papaano naman iyong natitirang 400,000 pesos mong kita? Sapagkat nais mong lumago ang iyong negosyo, iyong inilaan ang 400,000 pesos para sa isa pang karinderya na iyong itatayo sa kabilang bayan, ang Bayan ng Magiliw. Hayan, para ka ng Jollibee, may branch ka na.
Nabalitaan ngayon ng iyong kapatid na si Kuya Alex na nasa Canada ang iyong lumalaking negosyo. Tinawagan ka niya kung pwede siyang makisosyo sa iyong karinderya business. Sabi niya “ Tol, para naman makasama ko rin ang pamilya ko jan baka naman pwedeng makisosyo ako sa negosyo mo.”
Sagot mo, “ Ok lang kuya kaya lang pati si Ate Berna ay gusto ring makisosyo. Pwede ko kayong isama sa aking negosyo kaya lang ang presyo ng iyong ipupuhunan ay 450,000 pesos bawat isa. 450,000 pesos mula sa iyo, 450,000 pesos mula kay Ate Berna.”
Nabigla ang iyong kuya sa iyong sinabi “Ha! Hindi ba 200,000 pesos lang puhunan mo jan? Bakit kailangan naming magbigay ng tig-450,000 pesos sa iyo.?”
“Kuya Alex, ako lang ang may-ari noon at sa akin lang ang tubong 500,000 pesos. Pangalawa, yung pangalawang branch na aking itinatayo ay nagkakahalaga ng 400,000 pesos. Ang tubo ng bawat karinderya sa isang taon ay nasa 500,000 pesos” sagot mo kay Kuya Alex mo. Sa stock market ang tawag dito ay Capital Appreciation. Yung 200,000 pesos na ipinihunan mo ay hindi na kasing-halaga dati bagkus ay tumaas na dahil sa lumalaking kita ng iyong negoyso.
“O sige sigepara wala ng problema magpapadala ako ng 450,000 pesos. Teka sa 500,000 pesos na kinita mo sa isang karinderya magkano ang akin?, tanong ni Kuya Alex.
“30% ang mapupunta sa iyo kuya at 30% naman kay Ate Berna. Yung 40% sa akin dahil ako naman ang nagtayo ng negosyo at nagpalaki,” iyong sagot kay Kuya Alex. Dahil may kasosyo ka na, ikaw pa rin ang nagmamando ng karinderya business ninyo dahil ikaw ang may pinakamalaking ambag sa puhunan. Ang tawag sa iyo ay Majority StockHolder sa stock market. Halimbawa sa Ayala Land, ang majority stockholder ay ang mga Ayala clan pero marami silang mga kasosyo tulad nina Ate Berna at Kuya Alex. Ang Ayala Family pa rin ang nagmamando ng Ayala Land kahit may mga kasosyo na sila dahil sila ang Majority StockHolder ng kumpanya.
Sa stock market, pwede kang kumita dahil sa Capital Appreciation at pangalawa dahil sa Dividends. Sa stock market, ikaw ay magiging katulad ni Kuya Alex at Ate Berna mo dahil makikisosyo ka sa mga negosyo ng mga mayayamang tao sa Pilipinas.
Halimbawa dahil paborito mong bangko ang Metro Bank, bumili ka ng shares nito. Sa loob ng isang taon ay kumita ang Metrobank ng limang bilyong piso at nagdeklara ang kumpanya ng isang bilyong  dibidendo. Katulad lang ito ng ginawa mo noon nang magdeklara ka ng 100,000 pesos na dibidendo para sa iyong personal na gastusin. Dahil ikaw lang ang may-ari ng karinderya mo noon kaya solong solo mo ang dibidendo mo. Pero sa Metrobank, dahil napakaraming mga nagmamay-ari nito, ang dibidendo ay ipapamahagi sa mga nagmamay-ari ng mga shares nito. Katulad mo, next year dahil kasosyo mo na si Kuya Alex at Ate Berna mo, kung magkano ang idineklara mong dibidendo ay paghahatian ninyong tatlo ayon sa laki ng inyong pagmamay-ari ng karinderya. Ang tawag dito ay Dividends.
Sa sumunod na taon, ang Metrobank ay kumita ng pitong bilyong piso at dahil lumaki ang kita nito ay dumami ang gustong bumili ng shares nito. Naging interesado pa nga ang kaibigan mong foreigner na bumili ng Metrobank shares dahil sa laki ng kita at potensyal ng bangko na ito. Dahil maraming gustong bumili ng Metrobank shares, tumaas ang presyo nito. Ang presyo nito na binili mo sa halagang 50 pesos per share ay nasa 70 pesos per share na. Ang tawag dito ay Capital Appreciation.

2 comments:

  1. nice. thank you so much randy. i wanna know you more, i wanna enter the world of stock market. im 22 years old and i really want to be financially stable. www.facebook.com/mueldc i want to start buying shares as soon as now. :)

    ReplyDelete
  2. the earlier the better. mas malaki ang maiinvest mo for your future. good luck!

    ReplyDelete